Tuesday, September 11, 2007

Ang Pag-ibig Alinsunod sa Pakete ng Tide Ultra




Ni Gilbert M. Sape
Sabi ko
Ayaw kong maglaba
Hindi ko alam kung bakit
Siguro’y ayaw kung makitang
Nakasungaw ang bituin sa ulap
At pinapanood ang bawat kong kusot

Pero hindi kagabi
Ang totoo naglaba ako
Sinamantala ko ang pangungulimlim
Ng bituin sa nangingilid na lupa
At natitiyak ko maputi ang aking nilabhan
Sinunod ko yata ang bawat instruksyon
Sa likod ng pakete ng Tide Ultra

1) Kunin sa timba ang damdamin
Matagal nang binabad


2) Kusotin ng mabuti
Pabulain pabulain upang matiyak na
Ang mga salitang noon pa sana sinabi

3) At dahil nahuli na sa sikat ng araw
Na siyang pagkukulahan,
Lagyan na lamang ng Clorox
Upang kumupas at walang Makikita
Sa mantsa ni Eros

4) banlawan
maraming banlaw
at tiyaking maisama sa tubig
ang mga sentinmiyento at paghihinayang

5) ibuhos sa kanal ang tubig
upang makapagtago sa burak
ang mga pagsinta

6) isampay sa mahanging lugar
ang nilabhang damdamin
pabayaan itong makahinga
matagal na rin namang
naikubli sa baul

pagmumuni pagkakatapos…
napigaan ko na ang damit mariin
nakalimutan ko nga lamang
pigaan ang tubig sa aking mata
paalam muna
samantala’y magpatuyo muna ako
ng damit
ng mata
sana’y walang makakita
salamat sa pakete ng tide ultra


No comments: